Magpinsan tinaga ng bisita sa birthday

Tinaga at sinaksak ng isang bisita sa birthday party ang magpinsan kamakalawa ng hatinggabi sa San Jose, Romblon.

Batay sa ulat ng San Jose Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng hatinggabi noong Disyembre 18 sa birthday party sa isang bahay sa Barangay Poblacion, San Jose, Romblon.

Dumating umano ang 43-anyos suspek na isang kusinero at residente rin ng Barangay Poblacion, at nagbanta sa isang babae na naroon sa okasyon. Pinakiusapan umano siya ng may birthday na umuwi na dahil tapos na ang selebrasyon, subalit nagpatuloy pa rin ang suspek sa panlalait.

Nagising umano ang dalawang biktima, isang 17-anyos na estudyante at ang kanyang 20-anyos na pinsan na isang bangkero, at hinarap ang suspek upang pauwiin ito.

Dito na nagkaroon ng komosyon sa harap ng bahay, kung saan bigla umanong nanaksak at nanaga ang suspek sa dalawang biktima.

Nagtamo ang menor de edad ng maraming saksak sa ibabang bahagi ng likod at mga taga sa leeg at dibdib, habang ang 20-anyos na biktima ay nagtamo ng saksak sa ibabang bahagi ng likod.

Agad na isinugod ng mga kapitbahay ang magpinsan sa San Jose District Hospital para sa agarang lunas.

Naawat naman ng mga residente ang suspek at agad na ipinaalam ang insidente sa pulisya.

Nang dumating ang mga rumespondeng pulis, kusang-loob umanong sumuko ang suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose MPS ang suspek, habang inihahanda na ang kasong frustrated homicide na isasampa laban sa kanya. (Paul Jaysent Fos)


オリジナルサイトで読む