Naglakad pauwi, binata 14 beses niratrat

Patuloy umanong nakikipag-patintero kay Kamatayan ang isang binata matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa nangyaring pananambang sa Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City, madaling araw noong Huwebes, Disyembre 18.

Tinukoy ni Police Station 2 Deputy Commander PCapt Al-Grahammad Pompong ang biktima na si alyas “Fahad”, 25 taong gulang at residente rin sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad lang umano ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang bigla na lamang sumulpot ang mga suspek at walang sabi-sabi itong pinagbabaril.

Nagtamo ng tama ng bala si Fahad sa balikat, dibdib at hita na agad namang dinala sa Cotabato Regional and Medical Center para sa agarang medikal na atensyon.

Ayon sa opisyal, 14 na basyo ng armas ang narekober sa pinangyarihan ng insidente.

Kabilang sa sinisilip na motibo sa insidente ay personal grudge kung saan mayroon na umanong person of interest ang kapulisan na posibleng nasa likod ng kaso. (Jun Mendoza)


オリジナルサイトで読む