Mag-anak tepok sa motorsiklo, van salpukan

Nasawi ang isang mag-asawa at ang kanilang 10-anyos na anak matapos banggain ng umano’y humahagibis na van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Bayan ng Pola, Oriental Mindoro.

Ayon kay Police Major Florante M. Sugian II, hepe ng Pola Municipal Police Station, parehong patungo sa Socorro ang motorsiklo at ang van bandang alas-4:40 noong Biyernes ng hapon nang mangyari ang aksidente sa Barangay Maluanluan.

Nawalan umano ng kontrol ang driver ng van at binangga ang likuran ng motorsiklo.

Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang motorsiklo ng mga biktima na sina Julius Abesin, 34; asawang si Dumalove, 34; at anak na si Kier Ivan at bumangga pa sa mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada.

Sugatan naman ang isang babaeng bystander na bumibili sa isang tindahan malapit sa lugar ng aksidente.

Dinala sa ospital sa Socorro ang mag-anak pero idineklara silang patay ng doktor.

Dinala ang 39-an­yos na driver ng van sa presinto at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property.


オリジナルサイトで読む