Ermat nagtulak para sa may sakit na anak

Arestado ang isang 42-anyos na ina matapos mahuling nagbebenta umano ng higit sa P1.5 milyong halaga ng ilegal na droga para sa pagpapamot sa may sakit niyang anak sa Purok Magtiayon, Barangay 10, Bacolod City noong Biyernes, ­Disyembre 19.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Neneng” kung saan nasamsam sa kanya ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang nasa 230 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.564 milyon.

Ayon kay Police Lt. Richard Legada, assistant head ng CDEU, isang linggo munang minanma­nan ang suspek matapos makatanggap ng ulat na sangkot ito sa bentahan ng droga sa kanilang barangay.

Natuklasan na nagmumula ang ilegal na droga sa Barangay 2 at palihim na ibinebenta ng suspek sa kanyang sari-sari store sa harap ng kanilang bahay..

Ginagamit din umano nito ang kanyang delivery vehicle para itago ang bentahan ng droga.

Ayon pa sa pulisya, u­nang beses pa lamang nahuli ang suspek sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga. Inamin naman umano ng suspek na ginagawa niya ito upang masuportahan ang panghabambuhay na gamutan ng kanyang anak na may sakit sa puso.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Police Station 2 at mahaharap sa mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga. Itinuring ng pulisya ang suspek bilang isang high-value individual.


オリジナルサイトで読む