Hukom pinapatay, kabaro sinibak

Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) En Banc ang agarang pagtanggal sa serbisyo at disbarment ng isang judge dahil sa umano’y pagpapaslang ng kapwa niya hukom noong 2019.

Kinilala ang sinibak na si Judge Oscar Tomarong ng Regional Trial Court (RTC) Branch 28 sa Liloy, Zamboanga del Norte, sa pagpapaslang sa kanyang kabaro na si Judge Reymar Lacaya, na noo’y presiding judge ng RTC Branch 11 sa Sindangan, Zamboanga del Norte.

Batay sa desisyon ng Korte Suprema na isinapubliko nitong Martes, kabilang din sa parusang ipinataw kay Tomarong ang forfeiture ng kanyang retirement benefit at permanenteng diskwalipikasyon sa muling pagpasok sa serbisyo publiko.

Nag-ugat ang desisyon sa disciplinary investigation ng Judicial Integrity Board (JIB) kung saan napatunayang sangkot si Tomarong sa pagplano ng pagpatay kay Lacaya, na pinagbabaril sa likod ng gusali ng hukuman matapos ang isang pagdinig sa Branch 28.

Lumitaw sa paglilitis ang pagtestigo ni Juliber Cabating na inutusan umano ni Tomarong na maghanap ng mga hired killer at nagbayad ng P250,000 para sa krimen, na ipinagtibay ng mga saksi.

Ayon sa SC, ang ginawa ni Tomarong ay isa sa pinakamabigat na paglabag sa tungkulin ng isang hukom.

Binigyang-diin ng Korte na kahit hindi pa pinal ang kanyang criminal conviction, sapat ang ebidensya upang ipataw ang administratibong parusa at iginiit na walang sinuman—kahit miyembro ng hudikatura—ang higit sa batas. (Angelika Malillin)


オリジナルサイトで読む